Hindi pag-apruba sa ₱350 daily allowance ng mga sundalo, itinanggi ng AFP

Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga maling impormasyon na kumakalat hinggil sa hindi pag-apruba sa pagtaas ng ₱350 na daily subsistence allowance para sa kanilang mga tauhan.

Sa isang kalatas ng AFP, nakasaad na ang nasabing pagtaas ay naisama na sa aprubadong 2025 General Appropriations Act (GAA) na isang patunay ng patuloy na suporta ng gobyerno para sa mga sundalo.

Binibigyang-diin pa ng Sandatahang Lakas na ang paglalaan ng pondo ay isang hakbang patungo sa pagpapabuti ng kalagayan at kapakanan ng kanilang mga kawal.

Tiniyak din ng AFP na patuloy silang nagsusulong ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga sundalo.

Kasunod nito, patuloy ang paalala ng AFP sa publiko na maniwala lamang sa mga credible na source ng balita’t impormasyon upang hindi mabiktima ng fake news.

Facebook Comments