HOLOCAUST | Hitler tinawag na hibang ni P-Duterte

130

Israel – Insanity o kahibangan ang naging paglalarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa giyera partikular ang World War II kung saan nangyari ang pagpatay ng mga German Nazzi sa mga Judio o Jew.

Matatandaan na para kay Nazi Leader Adolf Hitler ay isang mababang uri ng lahi ang mga Jew na isang banta sa German Purity at sa kanilang komunidad kaya matapos ang ilang taon ng pamumuno ng Nazi Party sa Germany ay tinipon at pinatay nito ang mga Jew sa mga concentration camps at tinawag ang panahon na ito na Holocaust.

Ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang pahayag sa loob ng Yad Vashem Holocaust Memorial Center ay sinabi nito na hindi niya maisip na susunod ang isang bansa sa isang insane o hibang na pinuno na nag-uto na patayin ang lahat ng Jew.

Kaya naman umaasa si Pangulong Duterte na hindi na ito mangyayari at marami na aniyang natutunan ang buong mundo sa World War I at World War II.

Mayroon din aniyang natutunan ang lahat na kung makakakita ng mga pinuno na nagpapakita ng kanilang insanity o kahibangan ay dapat maalis agad ang mga ito sa kanilang posisyon.

Sinabi ng Pangulo na nakikiisa ang Pilipinas sa pagsasabing hindi na dapat maulit ang mga madilim na bahaging ito ng kasaysayan ng tao at ang Pilipinas aniya ang mangunguna sa mga bansa na kokontra sa anomang pagpatay sa anomang lahi dahil lamang sa galit.

Facebook Comments