Honoraria ng mga guro, pinatitiyak na matatanggap agad matapos ang halalan

Pinatitiyak ni Senator Sherwin Gatchalian sa Commission on Elections (Comelec) na matatanggap agad ng mga guro ang kanilang honoraria ngayong tapos na ang halalan.

Ayon kay Gatchalian, mahalagang masiguro ng komisyon na maibibigay nila sa oras ang nararapat na benepisyo sa mga guro na nagsilbing poll workers nitong eleksyon.

Sinabi ng senador na nararapat lang na tanggapin ng mga guro ang pinakamataas na pagpupugay mula sa buong bayan.

Nakiisa rin ang mambabatas sa mga Pilipino sa pagpapasalamat sa mga guro para sa kanilang serbisyo at sa pagtiyak ng tuloy-tuloy at maayos na pagdaraos ng 2025 midterm elections.

Nararapat lamang aniya ang pagkilalang ito dahil bukod sa paghubog sa mga susunod na henerasyon ay maituturing din silang frontliners sa pangangalaga ng ating demokrasya.

Facebook Comments