
Hindi pa napapagpasyahan ng House prosecution team kung hindi na ipiprisenta sa impeachment trial ang ikatlong article of impeachment patungkol sa alegasyong bribery o panunuhol umano ni Vice President Sara Duterte (VPSD) sa ilang opisyal ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay House Prosecution Adviser and Spokesperson Robert Ace Barbers, wala pa rin sa mga miyembro ng prosekusyon ang nagmungkahi na ilaglag ang artikulo tungkol sa bribery.
Sabi ni Barbers, sa ngayon ay ang pagbabawas ng testigo ang kanilang ginagawa para makatulong na mapabilis ang pag-usad ng paglilitis.
Diin naman ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, lahat ng apat na Article of Impeachment ay pare-parehong mabigat at may pantay na kahalagahan.
Kaya naman sabi ni Ridon, sakaling matuloy na hindi iprisenta ang isang Article of Impeachment ay hindi dahil hindi ito matibay kundi dahil sapat na ang mga ebidensya at testigo na kanilang naiprisenta para sa ibang artikulo.










