
Naniniwala si House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon na handa ang House Quad Committee na isumite sa International Criminal Court o ICC ang mga dokumento kaugnay sa imbestigasyon nito ukol sa Extra Judicial Killings (EJKs) sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Bongalon, ito ay sakaling ipa-subpoena ng ICC ang resulta ng diskusyon, deliberasyon at testimonya ng mga pagdinig ng Quad Committee.
Kaugnay ito sa gagawing paglilitis ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity bunsod ng libu-libong namatay sa ikinasa niyang drug war.
Para kay Bongalon, maaaring mas maliwanagan ang ICC judges sa isyu ng drug war ni dating Pangulong Duterte at makakalap ng karagdagang matibay na ebidensya mula sa imbestigasyon ng Quad Committee.