House Speaker Cayetano, may pakiusap sa kampo ng “katunggali” na si Marinduque Representative Velasco

26

Muling nakiusap si House Speaker Alan Peter Cayetano sa kampo ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco na tigilan na ang pagsisinungaling at paninira sa kaniya.

Sa naging pahayag ni Cayetano sa kaniyang social media, sinabi nito na una na siyang nakiusap kay Velasco na kung maaari ay tapusin muna ang usapin sa 2021 budget bago ang isyu kung sino ang uupong Speaker.

Pero sa halip na tumugon si Velasco, panay ang banat umano ng kampo nito sa kaniya kung saan sinabi ni Cayetano na mas maiging ipakita na lamang daw ni Velasco ang sinasabi nitong numero pagsapit ng October 14.

Nabatid na sa darating na October 14 (Miyerkoles), plano ng ilang kongresista na magpatawag ng espesyal na sesyon sa kamara para pagbotohan kung sino ang magiging Speaker of the House.

Kumpiyansa naman si Cayetano na marami pa rin ang sumusuporta sa kaniya sa kabila nang ipinapakalat ng kampo ni Velasco na marami na umanong kongresista ang unti-unti nang bumabaligtad at ayaw na ng kaniyang pamumuno.

Muli rin sinabi ni Cayetano na hindi niya hino-hold ang isyu sa national budget.

Facebook Comments