Iba’t ibang grupo ng mga Kabataan, nagsagawa ng Black Friday protest sa tatlong pangunahing pamantasan sa QC upang ipanawagan ang tuluyang pagsesentensya ng ICC kay FPRRD

Nagsagawa ng Black Friday protest ang mga estudyante ng University of the Philippines at dalawang kolehiyo sa Quezon City ngayong hapon.

Layon ng aktibidad na ipanawagan ang tuluyang pag-convict ng International Criminal Court (ICC) kay Duterte.

Pagkatapos ng isang simpleng programa sa UP Diliman, magmamartsa sila mamaya patungong Ateneo de Manila, at Miriam College kung saan magkakaroon sila ng salubungan.


Manonood din ang mga ito ng live streaming ng pretrial ni Duterte sa ICC.

Bandang 9PM mamaya, magtitipon ang mga grupo ng kabataan sa National Council of Churches in the Philippines headquarters o NCCP upang makaharap ang mga pamilya ng extrajudicial killings sa war on drugs ng Duterte administration.

Sumama rin sa aktibidad si Kabataan Party-list Representative Raul Manuel.

Ayon kay Manuel, hindi umano dapat magkanlong si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa kaniyang posisyon bilang Senador upang makaiwas sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC).

Ani Manuel, dapat ay isunod nang damputin ng ICC si Dela Rosa upang harapin ang kaniyang naging pananagutan sa Oplan tokhang na inilunsad noong siya pa ang PNP chief sa ilalim ng Duterte administration.

Reaksyon ito ni Manuel sa hirit ni Dela Rosa na dapat proteksyonan siya ng Senado sa sandaling dumating ang panahon na isunod na siyang arestuhin ng ICC.

Facebook Comments