Iba’t-ibang unibersidad sa Lungsod ng Maynila, naka-alerto na din sa banta ng 2019 n-CoV

134

Patuloy na naka-alerto ang iba’t-ibang mga unibersidad sa lungsod ng Maynila, sa gitna ng banta ng 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease (n-CoV ARD).

Una nang nag-abiso ang De La Salle University (DLSU) sa kanilang mga estudyante na asahan na ang mahabang pila sa mga gate dahil sa mahigpit na medical checks na isasagawa.


Ang mga estudyante o faculty members naman ng DLSU na galing sa mga lugar na may mga kaso ng n-CoV ay hinihimok na magpasuri sa mga doktor.

Sa inilabas namang abiso ng Philippine Women University (PWU), ang mga estudyante at empleyado na may lagnat ay kailangang magsuot ng face mask at sasamahan sa medical clinic para sa evaluation and management.

Bukod dito, ang mga may sintomas ay pauuwiin at kailangang magpasuri upang makakuha ng medical certificate para sa clearance, bago muling pumasok.

Ang pamunuan ng Mapua University ay pinapayuhan ang lahat sa kanilang komunidad na mag-ingat at magkaroon ng precautionary measure laban sa n-CoV ARD.



Paalala naman ng administrasyon ng University of the East, Far Eastern University, San Beda College at Centro Escolar University na pawang nasa U-Belt, magsuot ng face mask, maging mapagmatyag at maging maingat sa kanilang kalusugan sa pamamagitan ng proper hygiene.

Ang University of Santo Tomas (UST) ay naglabas din ng Health Service advisory sabay payo sa kanilang mga staff at estudyante na palagiang mag-ingat at alalahanin ang kalusugan


Sa health advisory naman ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), pinapayuhan ang kanilang mga estudyante na alamin ang mga impormasyon ukol sa virus.

Matatandaan na  nakalipas na sinimulan na ng PLM ang pagsuri sa temperatura sa mga mag-aaral, faculty at kahit mga bisita na pumapasok sa kanilang compound.

Facebook Comments