Iba’t ibang Uri ng Gamit Pandigma at Dokumento, Nadiskubre sa Cagayan

32

Cauayan City, Isabela- Nadiskubre ng kasundaluhan ng 17th “Do or Die” Infantry Battalion ang iba’t ibang uri ng gamit pandigma kasunod ng boluntaryong pagbabalik-loob sa pamahalaan ng ilang matataas na opisyal ng Communist Terrorist Group (CTG) at pagbaba ng armas ng isang miyembro ng Militia ng Bayan (MB) sa bayan ng Rizal, Cagayan noong ika-7 ng Mayo taong kasalukuyan.

Nagpapatrolya ang tropa ng 17IB sa Barangay San Juan, Zinundungan Valley nang lapitan sila ng isang residente upang ipagbigay alam ang impormasyon ukol sa nakatagong mga gamit sa paggawa ng pampasabog sa bahagi ng Sitio Daligan.


Agad naman itong bineripika ng kasundaluhan kung saan kanilang natagpuan ang isang container na naglalaman ng mga pampasabog, mga gamit pandigma, mga librong patungkol sa rebolusyonaryong pakikibaka, at mga subersibong dokumento na pagmamay-ari ng teroristang CPP-NPA.

Maliban dito, nagbalik-loob sa pamahalaan ang isang miyembro ng Milisya ng Bayan na sakop ng teroristang West Front Committee, Komiteng Probinsya-Cagayan (KOMPROB-Cagayan), Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) sa Barangay Masi kung saan isinuko rin niya ang isang shotgun na ipinapagamit sa kanya ng teroristang CPP-NPA.

Kasunod nito ang boluntaryong pagsuko rin ng isang medical officer ng East Front Committee, KOMPROB- KOMPROB-Cagayan, KR-CV sa pamamagitan ng Community Support Program sa nasabing lugar.

Pagbabahagi ng mga nagbalik-loob, naliwanagan at napagtanto nila ang tunay na hangarin ng teroristang CPP-NPA sa kanila kung saan kanila namang ikinatuwa ang tuloy-tuloy na pagdating ng serbisyo ng pamahalaan sa mga residente sa malalayong lugar.



Anila, sadyang pinipigilan at hinaharangan ng mga teroristag CPP NPA ang mga proyekto at programa ng pamahalaan upang mabuo ang poot at galit ng mamamayan sa gobyerno.


Isa ito sa mga ginagawang pamamaraan upang mapadali ang kanilang pagrerekrut lalo na sa mga kabataan. Inihayag din nila ang kanilang pasasalamat sa mga ginagawang pagsisikap ng kasundaluhan at ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang makaalpas sila sa impluwensiya ng teroristang kilusan at mailapit naman sa layuning pag-unlad ng pamahalaan.

Kinilala ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang sakripisyo at pagsusumikap ng mga kasundaluhan ng 17IB upang mailigtas ang mga nalinlang na mga kasapi ng CPP-NPA.

“Ang tuluy-tuloy na ginagawang pakikipag-ugnayan ng mga residente sa otoridad ay isa sa mga pinakamabisang batayan ng suporta ng mamamayan sa pamahalaan. Tulad ng pagnanais ng taumbayan, ang inyong Startroopers ay walang ibang hangad kundi ang makamit ang makatotohanang kapayapaan at pag-unlad ng bawat Pilipino. Ito ang pangarap na kaya nating abutin sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan.”

Facebook Comments