Ikatlong araw ng PhilHealth oral arguments sa Korte Suprema, tuloy ngayong Martes

Muling aarangkada mamaya sa Korte Suprema ang ikatlong araw ng oral arguments kaugnay sa petisyon na kumukuwestiyon sa paglilipat ng halos P90 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) pabalik sa National Treasury.

Sa unang dalawang araw ng oral arguments, inuusisa ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier ang pondo ng ahensiya at kung bakit kailangang gamitin ito sa pagpondo sa unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2024 national budget.

Tinukoy rito ni Javier ang sinasabing “urgent” national projects na pinaggamitan ng pondo kabilang ang routine maintenance ng national roads at mga proyektong paggawa ng tulay sa Panay-Guimaras-Negros (PGN) Island.

Ayon sa mahistrado, fully funded na kasi ang proyekto mula sa Export-Import Bank of Korea na nagkakahalaga ng mahigit P174 billion bukod pa sa dagdag na alokasyon mula sa 2022 at 2023 national budgets.

Sa ikalawang araw ng oral arguments din nang sabihin ni Javier na ang pondong para sa PhilHealth ay dapat gamitin lamang para sa ahensiya at hind sa operation ng ibang departamento ng gobyerno.

Tiniyak naman ni Solicitor General Menardo Guevarra na napunta sa mga critical health and social service programs ang karamihan ng P60 billion na sobrang pondo na ni-remit ng PhilHealth sa National Treasury.

Facebook Comments