Ilan pang paliparan sa bansa, nakatakdang isapribado

Kinumpirma ni bagong Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na prayoridad ng DOTr na maisailalim sa Public-Private Partnership (PPP) ang ilang paliparan sa bansa.

Partikular aniya ang mga airport na nasa lugar na kilalang tourist destination.

Ayon kay Dizon, may ilang paliparan na ngayon ang nasa pipeline para sa PPP o nasa proseso na ng pagpaplano para sa pagsasapribado.

Nakatakda na rin aniya siyang makipag-usap sa kanilang consultant mula sa Asian Development Bank (ADB) sa mga susunod na araw para matukoy ang pinakamahusay na paraan para sa PPP sa regional airports.

Kabilang dito ang mga paliparan sa Iloilo, Davao, Siargao Airport, at ang mga paliparan sa Palawan gaya ng Puerto Princesa, Busuanga, at Coron.

Pinuri naman ni Dizon ang mga paliparan sa Legazpi, Albay at El Nido na itinayo ng administrasyong Duterte.

Sa ngayon, ang mga paliparan na nasa ilalim na ng Public-Private Partnership (PPP) ay ang mga sumudunod:

* Ninoy Aquino International Airport
* Clark International Airport
* Mactan-Cebu International Airport
* New Manila (Bulacan) International Airport
* Laguindingan Airport
* Bohol-Panglao International Airport

Facebook Comments