
Pinag-aaralan na ng Senate Committee on Finance na bawasan ang pondo sa 2026 ng ilang mga ahensya na hindi na epektibo sa kasalukuyan.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, Chairman ng Finance Committee, hindi naman nila aalisan ng pondo ang mga ahensya dahil may mga empleyado na maapektuhan bukod pa sa nilikha rin naman ang mga opisinang ito ng batas.
Sinabi ng senador na gagamitin nila ang government optimization law kung saan pag-aaralan nila kung maaaring ilipat na lamang ang mga tanggapan na hindi na epektibo sa mga ahensyang mas nangangailangan ng mga tauhan at mga pondo.
Tinukoy ni Gatchalian ang mga ahensyang hindi napapakinabangan pero pinopondohan pa, ito ang Optical Media Board at Philippine Racing Commission.
Paliwanag pa ng mambabatas, idadaan nila sa budget process ang paglipat ng pondo sa ibang ahensya upang hindi masayang at hindi mawalan ng trabaho ang mga empleyado.









