ILANG FISH GROWERS SA DAGUPAN CITY, INILIPAT NA ANG MGA ALAGANG ISDA PARA IWAS LUGI

Naabutan namin ang mga mangingisda ito sa kanilang mga palaisdaan sa Bagong Barrio, Bonuan Gueset, Dagupan City na inililipat ang pinapalaking isda upang hindi maapektuhan sakaling maranasan ang hagupit ng bagyong Uwan.

Ayon sa ilang residente, kahit mayroon na umanong seawall sa kanilang lugar ay pinapasok pa rin sila ng tubig baha na madalas nilang suliranin tuwing may dumarating na bagyo o malakas na pag-uulan na minsan ay sinasamahan pa ng hightide.

Maaga na rin na naghahanda ang mga opisyal ng barangay at kanilang disaster response team para sa mga nakatakdang direktiba mula sa lokal na pamahalaan.

Inihanda na rin ng mga ito ang mga personnel na idedeploy sa mga kabahayan maging ang mga paaralan na magsisilbing evacuation centers.

Samantala, nakatakdang ipatupad ngayong weekend ang “No Swimming, No Fishing at No Sailing Policy sa mga katubigang sakop ng Dagupan para sa kaligtasan ng publiko.

Facebook Comments