ILANG LGU SA PANGASINAN, NAGPATUPAD NG HAKBANG SA MGA PAARALAN KONTRA SA MATINDING INIT NG PANAHON

Nagpatupad ang ilang LGU sa Pangasinan ng mga hakbang sa mga paaralan upang maprotektahan ang mga mag-aaral at guro sa nararanasang mainit na panahon.

Sa San Fabian, nagtatakda ang LGU ng adjusted class hours sa umaga at modular distance learning sa hapon para sa lahat ng pampublikong paaralan sa bayan mula Marso 10 hanggang Marso 14, 2025.

Ang klase sa lahat ng antas sa pampublikong paaralan ay magsisimula ng 7:00 AM at magtatapos ng 11:00 AM, habang ang pag-aaral sa hapon ay isasagawa sa pamamagitan ng modular distance learning.

Ayon sa LGU, ang desisyong ito ay alinsunod sa rekomendasyon ng mga Public Schools District Supervisors at School Heads, kasabay ng babala mula sa PAGASA ukol sa posibleng epekto ng matinding init sa kalusugan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng paaralan.

Sa Asingan, inilabas kahapon ang Executive Order No. 009, Series of 2025 ng Lokal na Pamahalaan na nag-aatas ng awtomatikong pagsuspinde ng klase sa lahat ng antas, pampubliko man o pribado, kapag umabot o lumagpas sa 40°C ang temperatura o heat index sa lugar.

Ang Mga paaralan ay maaaring lumipat sa online o modular learning upang matiyak ang patuloy na edukasyon ng mga estudyante.

Ibinibigay naman sa mga opisyales ng pribadong paaralan ang kalayaang magpasya kung paano nila ipapatupad ang kanilang iskedyul, basta’t isinasaalang-alang ang kaligtasan ng kanilang mga guro at mag-aaral.

Sa ulat ng DOST-PAGASA, inaasahang mararanasan ang matinding init ngayong tag-init, lalo na sa Abril at Mayo, kung saan posibleng umabot sa 39°C ang temperatura sa Northern Luzon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments