Hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin ang ilang mangingisda mula sa Masinloc, Zambales na makapangisda sa bahagi ng West Philippine Sea, partikular sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, dahil sa patuloy na presensiya at pagbabawal ng Chinese Coast Guard (CCG).
Ayon kay Anthony Collado, isang beteranong mangingisda, Disyembre 2024 pa ng mas lalo silang higpitan ng CCG — at nitong mga huling buwan, tuluyan na raw silang pinagbawalang pumasok sa nasabing lugar.
Dahil dito, napipilitan ang mga mangingisda na pumalaot sa mas malalayong bahagi ng dagat — na nangangahulugang mas mataas na gastos, mas mahabang oras sa laot, at mas matinding panganib.
Patuloy ang kanilang panawagan sa pamahalaan na paigtingin ang proteksyon at pagtindig sa karapatan ng mga Pilipinong mangingisda sa sariling karagatan.
Umaasa rin sila na sa darating na SONA ng Pangulo, ay mabibigyan ng konkretong tugon ang isyu ng soberanya sa West Philippine Sea, na araw-araw nang sumasakal sa kanilang kabuhayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣