
Nangangamba ang ilang mga tsuper ng pampublikong jeep sa lungsod ng Maynila sa nakaambang taas-presyo ng produktong petrolyo bukas, June 24.
Ito’y dahil sa epekto sa oil industry bunsod ng labanan ng Israel at Iran.
Nabatid na tinatayang aabot sa P4.30 hanggang P4.80 per liter ang maaaring madagdag sa presyo ng diesel na lubhang mabigat na pasanin para sa kanila.
Giit ng mga tsuper, lubhang masyadong mataas ang dagdag na presyo ng langis kung saan posibleng mas lalo pa lumiit ang kanilang kita sa pagbiyahe.
Sa kabila ng pagtutol, umaasa sila na gagawa ng paraan o programa ang pamahalaan na mismong ang mga tsuper ng jeepney ang makikinabang.
Bukod sa pagtaas ng presyo ng krudo, asahan na rin na tataas sa P2.50 hanggang P3.00 per liter ang presyo ng gasolina habang nasa P4.25 hanggang P4.40 naman sa kerosene.