
Naghain ng petisyon sa Manila Regional Trial Court ang Philippine Inter-Island Shipping Association, Inc. (PISA) laban sa inilabas na advisory ng Maritime Industry Authority (MARINA) na pinapayagan ang mga Landing Craft Tanks (LCTs) na magsakay ng mga pasahero.
Sa inihain na Petition for Certiorari and Prohibition with Prayer for Temporary Restraining Order (TRO) at Writ of Preliminary Injunction ng PISA, kinokontra nila ang inilabas na MARINA Advisory No. 2023-18, 2023-28, at 2025-01 kung saan lumalabag ito sa domestic maritime regulations at international safety standards.
Giit ng PISA, nakasaad sa Section 8 ng MARINA Circular 2003-007 at Domestic Shipping Development Act of 2004 na tanging mga vessel na classified at certified na passenger service ang maaaring magsakay ng pasahero.
Paliwanag pa ng PISA, ang mga LCTs ay para lamang sa mga cargo at sasakyan kung saan kulang ito sa passenger safety features at hindi rin ito pasok sa technical standards para maging passenger vessels.
Bukod dito, walang kasiguraduhan ang mga LCTs sa kaligtasan ng pasahero hanang kapos rin sa mga lifesaving equipment at hindi sapat ang kaalaman ng mga crew nito sakaling may emergency.
Hiling nila sa korte na maglabas agad ng TRO at Writ of Preliminary Injunction upang mapigilan na ang pagpapatupad nito lalo na’t maraming pasahero ang malalagay sa alanganin ang kaligtasan at maapektuhan ang domestic shipping industry.