Ilang mga senador, nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng yumaong superstar na si Nora Aunor

Nagpaabot ng pakikiramay ang mga senador sa pagpanaw ng Superstar at National Artist na si Nora Aunor.

Ayon kay Senate President Chiz Escudero na kapwa Bicolano ng superstar, isa si Ate Guy sa mga hinahangaan niyang artista at dahil sa husay nito ay mananatili ang ningning at alaala ng isang Nora Aunor sa puso ng bawat Pilipino.

Kasama si Escudero sa lumagda noong 2015 sa resolusyong ipinasa ng Senado kung saan kinilala at binigyang-papuri si Nora Aunor sa kanyang Lifetime Achievement Award mula sa ASEAN International Film Festival and Awards (AIFFA).

Sinabi naman ni Senator Imee Marcos na hindi lang isang phenomenal actress si Aunor kundi nagsilbi rin itong tinig at mukha ng mga ordinaryong Pilipino at naging sandigan din ng bansa sa paghahanap ng katotohanan, katarungan at pagkakilanlan.

Hindi lang aniya artista sa pinilakang tabing si Ate Guy kundi hinamon at binago niya ito sa pamamagitan ng mga hindi malilimutang pagtatanghal na nakatatak na sa mga henerasyon at nagbukas sa ating kamalayan na habambuhay na nagpabago sa pelikulang Pilipino.

Bukod sa pakikiramay ay nag-iwan din ng pasasalamat ang mga mambabatas kay Nora Aunor sa napakalaking ambag nito sa sining ng bansa.

Facebook Comments