
Sunod-sunod ang mga naghahain ng petisyon partikular ang disqualification case sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec).
Bago magtanghali, sinampahan ng disqualification case sina Masbate Vice Governor Elisa Tingcungco Kho, anak na si Masbate 1st District Rep. Richard Kho, Rep. Ara Olga Kho, at Esperanza Mayor Fernando Talisic dahil sa umano’y paggamit ng Emergency Cell Broadcast System ng probinsya para sa kanilang kampanya ngayong 2025 elections.
Ayon sa reklamo na inihain nina Atty. Pert Gadia at iba pang kandidato mula sa Masbate, ginamit umano ng mga respondent ang emergency alert system para maglabas ng campaign messages na nakabalot sa “Emergency Alert: Extreme” format, na nagdulot ng pangamba sa mga residente.
Sa halip na babala sa sakuna, nakasaad umano sa alert message ang panawagan na iboto si Rep. Richard Kho bilang gobernador, si Talisic bilang bise gobernador, si Elisa Kho bilang kinatawan ng ikalawang distrito, at si Ara Olga Kho bilang mayor ng Masbate City.
Tinukoy sa reklamo na labag ito sa Republic Act No. 10639 o Free Mobile Disaster Alerts Act, gayundin sa Section 30 ng COMELEC Resolution No. 11104 na nagbabawal sa paggamit ng state resources para sa pang-elektoral na benepisyo.
Giit ng mga petitioner, malinaw na ito ay isang anyo ng korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan upang makinabang sa halalan, na higit pang nagpapatibay sa dominasyon ng political dynasty sa probinsya.