ILANG PANGASINENSE, NANINIWALANG MARAMI PA RIN ANG LOYALISTANG SUPPORTERS NG MGA DUTERTE

Inihayag ng ilang Pangasinense ang opinyon sa umano’y pagkawala ng suporta ng publiko sa political party na pinamumunuan ng mga Duterte base sa pahayag ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon.

Sa panayam ng IFM News Dagupan sa ilang Pangasinense, maaaring nabawasan umano ang supporters ng mga ito dahil na rin sa mga isyung kinasasangkutan ng mga Duterte ngunit hindi maipagkakaila na may mga loyal supporters pa rin ang mga ito.

Buong desisyon naman ng ilan na hindi mawawalan ng supporters ang mga Duterte dahil sa kanilang mga nagawa sa bansa at mainam pa ang kanilang naging pamumuno partikular sa kampanya kontra ilegal na droga.

Samantala, may mga nagsabi naman na karma ng mga naturang opisyal ang pagtalikod sa kanila ng publiko dahil sa mga napapabalitang korapsyon na kanila umanong nagawa.

Samantala, pinipili na lamang umano ng karamihan na huwag makialam sa mga ganitong usapin dahil sa huli karapatan ng lahat na magkaroon ng iba’t-ibang paniniwala at opinyon.

Nag-ugat ang usapin dahil sa tahasang pahayag ni Secretary Gadon na ‘nilangaw’ umano ang isinagawang grand rally ng PDP-Laban sa San Juan noong nakaraang linggo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments