ILANG PANGASINENSE, UMAARAY NA SA NAPIPINTONG TAAS SINGIL SA KURYENTE SA UNANG BUWAN NG 2025

Nagbabadya ang taas singil sa presyo ng kuryente sa pagpasok ng 2025 sa Pangasinan. Ito ay matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang koleksyon ng natitirang 70% contracted reserve o ancillary services requirements ng power system operator.

Bagamat sa susunod na taon pa, umaray na ang ilang Pangasinense. Anila, sabay-sabay na ang pagtaas ng mga bayarin at mga bilihin kaya naman pahirapan nanaman umano sa kanila ang dagdag singil sa kuryente.

Ayon sa Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) General Manager Rodrigo Corpuz, nakadepende ang tulad nilang electric distributor sa ibababang abiso sa kanila ng mga main supplier ng kuryente.

Maaaring magbago umano talaga ang singil sa kuryente kung mayroong makikitaan ng kakulangan sa materyales, kagamitan o krisis na kinakaharap para makapag suplay ng kuryente ang mga supplier.

Abiso na lamang ng CENPELCO sa mga konsumer nito ang malaking tulong ng pagtitipid sa konsumo ng kuryente at maingat na paggamit ng mga extension plugs lalo na ang mga may christmas lights sa kanilang mga tahanan ngayong holiday season. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments