
Gumugulong na ang pre-charge investigation ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) laban sa tatlong opisyal ng Quezon City Police District na sangkot sa umano’y iregularidad.
Ayon kay IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, iniimbestigahan na nila si PMaj. Don Don Lapitan, dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit, pati na rin ang jailer at desk officer na umano’y nagpahintulot sa isang babaeng person deprived of liberty na mag-staycation sa isang hotel.
Maliban dito, iniimbestigahan na rin ng IAS si PStaff Sgt. Colonel Marzan na nag-trending kamakailan, matapos pumasok sa isang bahay na walang bitbit na warrant at umano’y nanakit ng menor de edad habang lasing.
Inaasahan namang maglalabas ng desisyon ang IAS sa loob ng pitong araw bago magkaroon ng summary hearing na aabutin ng 60 hanggang 90 araw.
Pagkatapos nito, magkakaroon na ng rekomendasyon ang IAS na posibleng umabot hanggang dismissal ng mga pulis na dawit sa iregularidad.