Naniniwala ang ilang senador na magbibigay lamang ng hindi magandang signal sa international community at sa mga investors ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senator JV Ejercito, alam naman na ang impeachment ay mas politikal kesa sa legal at magiging sanhi lamang ito ng pagkakawatak-watak.
Sa dami aniya ng problemang dapat na ayusin sa bansa ay makakaapekto ito sa katatagan ng sitwasyong political sa Pilipinas.
Apela ni Ejercito sa lahat na magtrabaho na lang sana at unahin ang mga proyektong makakaapekto sa buhay ng mga tao tulad ng infrastructure development, long term at medium term plan at health care.
Sinabi ng mambabatas na mahirap umusad ang bansa kung ang dalawang pinakamatataas na lider ay walang pagkakaisa.