
Walang nangyayaring political persecution laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang pahayag ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa kinakaharap na impeachment complaints laban sa pangalawang pangulo.
Ayon kay Kidapawan Bishop at CBCP Episcopal Commission on Interreligious Dialogue Chair Bishop Jose Colin Bagaforo, may mga mekanismo ang Saligang Batas para matiyak na mananagot sa taumbayan ang mga matataas na opisyal.
Ang impeachment case aniya ni VP Sara ay isang hamon sa demokrasya para sa accountability at wala itong kinalaman sa political harassment.
Sinabi ng obispo na hindi dapat katakutan ang due process lao’t pagkakataon din aniya ito ni Duterte para linisin ang kaniyang pangalan.
Mas lalo lamang umanong bababa ang kumpiyansa ng publiko sa pamahalaan kung patuloy na iiwas sa accountability lalo na ngayong kabi-kabila ang mga isyu ng korapsiyon sa bansa.
Dahil dito, hinimok ni Bagaforo ang mga opisyal ng gobyerno, civil society leaders at ang publiko na hayaang umusad ang impeachment nang mapayapa at transparent upang masuri ang mga ebidensiya at lumabas ang katotohahan at hustisya.
Sinabi ng CBCP na makakamit lamang ang tunay na demokrasya kung walang public official na nakakaangat sa batas.










