
Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na dapat matuloy ang impeachment proceedings ng Senate impeachment court sa June 11 kahit pa maihain ang resolusyon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na nagpapabasura sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Kung si Gatchalian ang tatanungin, hindi na dapat pang ine-entertain ang ganitong resolusyon dahil klaro naman sa Saligang Batas na kailangang i-convene ang impeachment court at isagawa “forthwith” o agad-agad ang paglilitis.
Punto ng mambabatas, hindi naman dapat pagbotohan ng impeachment court ang resolusyon dahil iisa lang ang trabaho nila sa impeachment, pakinggan ang mga pleadings, ang depensa at prosekusyon, mga ihaharap na testigo at magbaba ng hatol kung guilty o abswelto ang nasasakdal.
Ipinaalala ni Gatchalian sa mga kapwa senador na noong nanalo sila at tinanggap ang trabaho ay kasama sa pagganap nila ng tungkulin ang paggawa ng batas, oversight hearings at kasama rito ang impeachment.
Sa ayaw at sa gusto nila ay dapat nila itong sundin dahil hindi na ito desisyon ng bawat senador kundi desisyon ito ng Saligang Batas para sa kanila.