
Handa si incoming Makati Mayor Nancy Binay na makipagdayalogo kay Taguig City Mayor Lani Cayetano para mapag-usapan at maayos ang mga problema ng dalawang syudad.
Ayon kay Binay, bukas siyang makipagdayalogo kay Mayor Lani at kahit siya na mismo ang mag-initiate ng pulong sa kanilang dalawa ay nakahanda siya.
Kabilang sa mga dapat pag-usapan ay ang mga assets ng Makati na nasa Taguig tulad ng mga paaralan, health centers, ospital at parke.
Dagdag din dito ang naudlot na pagpapagawa ng subway kung saan sakop nito ang mga EMBO barangays na ngayon ay nasa ilalim na ng Taguig.
Sinabi ni Binay na sa kanyang pag-upo bilang bagong Alkalde ng lungsod ay hindi niya ipagdadamot o ipagkakait sa mga taga-EMBOs ang paggamit sa ilang mga assets ng Makati.
Giit ni Binay, mahirap kung palagi na lamang magkaaway ang magkapitbayan na Makati at Taguig dahil patuloy na naaapektuhan dito ang mga kababayan lalo na ang mga residente ng EMBOs.