
CAUAYAN CITY – Sinelyuhan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) Region 02 at Partnership for Development Assistance in the Philippines (PDAP) ang isang kasunduan bilang pagpapatibay upang labanan ang trafficking in person (TIP) sa buong Rehiyon Dos.
Ang naturang aktibidad ay bilang pagsuporta sa tatlong (3) taong counter-trafficking in persons (CTIP) plan ng IACAT Region 02 kung saan ay nakatuon ito sa pagsasagawa ng mga awareness campaigns sa mga paaralan at vulnerable communities.
Kabilang din sa plano ang pagpapatatag ng mga polisiya kontra human trafficking, skills and capacity enhancement ng mga stakeholders, at reintegration para sa mga survivors ng trafficking.
Samantala, sa datos na inilabas ng ahensya, umabot sa 263 trafficking cases ang inihain sa korte at prosecutor’s office noong 2024, kung saan prostitution at sexual exploitation ang karamihan nito.