Interim release o house arrest kay FPRRD, inaprubahan ng Senado sa botong 15-3-2

Inaprubahan na ng Senado ang Senate Resolution 144 o ang paghimok ng Senado sa International Criminal Court (ICC) para sa interim release o ang hiling na “house arrest” para sa humanitarian consideration kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa botong 15 na pabor, tatlong tutol at 2 nag-abstain.

Kabilang sa mga bumoto ng NO ay sina Senators Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan at Bam Aquino habang nag-abstain o hindi naman bumoto si Senate President Tito Sotto III at Senator Raffy Tulfo.

Nakasaad sa resolusyon na ang hiling na house arrest arrangement ay may kapalit na kondisyong ilalatag ng korte at hindi ito makakasagabal sa integridad ng paglilitis ng ICC.

Tumayo sa plenaryo sina Senate Majority Leader Migz Zubiri, Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, Senator Jinggoy Estrada Senator Joel Villanueva at ang mga senador ng Duterte bloc na sina Senators Bato dela Rosa, Bong Go, Robinhood Padilla, Imee Marcos at Rodante Marcoleta para sponsoran at ipaliwanag ang pangangailangan na maisailalim sa house arrest si dating Pangulong Duterte.

Sinabi ni Zubiri na ang kaniyang pagsuporta sa resolusyon ay hindi politika kundi ito ay pagka-makatao dahil mismong siya ay mayroong ama na 85 taong gulang na nakakaranas ng problema sa balanse at mayroon na ring dementia.

Si Padilla ay naihambing din sa kaniyang ina na 89 years old na may advance dementia ang sitwasyon ni FPRRD na nakakalimot at mahina na rin.

Iginiit naman ni Sen. Marcos na hindi partisan o self-serving ang hiling na ito para sa dating presidente dahil mismong ang neuro psychiatrist ng ICC ang kumumpirma na dumaranas ng matinding cognitive deficiencies na nakakaapekto sa kaniyang memorya, araw-araw na pagkilos at orientation ng lugar at oras.

Samantala, ipinaliwanag naman nina Hontiveros at Pangilinan ang pagtutol na magawaran ng house arrest ang dating pangulo bunsod ng bigat ng ginawa nito sa kampanya kontra iligal na droga kung saan libu-libo ang mga nasawi.

Facebook Comments