Investment, trabaho, at turismo, bitbit ni PBBM mula sa Japan

Nakabalik ng bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dala ang mga bagong kasunduan na magbibigay oportunidad sa mga Pilipino mula sa kaniyang working visit sa Osaka, Japan.

Ayon sa pangulo, kabilang sa mga naselyuhang proyekto sa kaniyang working visit sa Japan ay ang partnership ng Kanadevia Corporation at Philippine Ecology Systems Corp. para sa isang waste-to-energy project na tutugon sa problema sa basura at magbibigay rin ng malinis na enerhiya sa bansa.

Nangako rin aniya ang Tsuneishi Group na magtatayo ng kauna-unahang methanol dual-fueled KAMSARMAX bulk carrier sa Cebu, na makakatulong na palakasin ang posisyon ng Pilipinas sa larangan ng green shipping.

Sa larangan naman ng turismo, pinalalim ng Pilipinas ang ugnayan nito sa mga lider ng turismo sa Japan upang makahikayat ng mas maraming turista at lumikha ng mas maraming oportunidad para sa mga manggagawang Pilipino.

Habang sa pakikipagpulong naman ng Pangulo sa Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA), ay napag-usapan ang mga posibilidad ng pagtutulungan sa larangan ng space technology, partikular sa disaster monitoring, pagsuporta sa mga magsasaka, at pagpapatibay ng kaligtasan sa mga komunidad.

Samantala, isa sa mga highlight ng working visit ay ang pagdalo ng Pangulo sa World Expo 2025, kung saan ipinagmalaki nito ang Philippine Pavilion na sumasalamin aniya sa mayamang kultura ng Pilipinas na magpapatibay ng imahen nito bilang isang destinasyong angkop sa turismo, at pamumuhunan.

Facebook Comments