Isa pang suspek sa “James Yap” kidnapping case, nahuli ng mga tauhan ng PNP

2848

Nadagdagan ang bilang ng mga suspek na hawak ngayon ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) kaugnay sa kaso ng kidnapping ni Elijah James Yap sa Quezon City.

Ito ay makaraang maaresto ang suspek na si Lawrence Liembo alyas Renren ng San Pascual, Obando, Bulacan.


Ayon kay Police Major Ronaldo Lumactod Jr., tagapagsalita ng PNP-AKG, nahuli si Liembo sa follow-up operation ng kanilang mga tauhan habang siya ay nakikipag-inuman sa mga kaibigan.

Siya ang nagsilbing bantay sa safehouse kung saan itinago si Yap nang ilang araw sa Bustos, Bulacan.

Agad daw itong umamin sa krimen at sinabing ₱50,000 lamang ang napunta sa kaniya mula sa ₱1.5 million na ransom na nakuha ng grupo.

Kinasuhan na ito ng kidnapping for ransom at serious illegal detention.




Kumpyansa naman si Lumactod na anumang araw ay maaaresto na rin ang lima pang mga suspek sa pangunguna ni John Paulo Gonzales, asawa ni Ma. Rachel Erica Gonzales na unang naaresto ng mga tauhan ng AKG.

Sinabi ni Lumactod na matapos palayain si Yap noong January 5 sa Ermita, Manila ay agad na nagsagawa ng backtracking investigation ang mga tauhan ng AKG at natukoy ang safehouse kung saan siya dinala sa Bustos, Bulacan.

Facebook Comments