Isa pang suspek sa pangingikil, Huli sa Cabagan, Isabela!

43

Naguilian, Isabela – Arestado ang isa pang suspek sa pangingikil matapos magsagawa ng follow-up operation ang mga otoridad dakong alas syete kaninang umaga sa Brgy. San Antonio, Cabagan, Isabela.

Kinilala ang nadakip na si Nido Hines Bulan, bente otso anyos, binata, chainsaw operator at residente ng Brgy. Gangalan, San Mariano, Isabela.


Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), inaresto ng mga kasapi ng PNP Naguilian si Bulan dahil may kaugnayan ito sa naganap na pangingikil ni Fernando Gannaban kay Julius Baltero noong Enero 26, 2019.

Una nang nahuli si Fernando Gannaban ng PNP Naguilian katuwang ng PNP San Mariano kahapon sa Zone 1, San Mariano, Isabela na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9516 o Illegal Possession of Explosives, kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasong Extortion.

Samantala, nasa himpilan na rin ng PNP Naguilian si Bulan para sa kaukulang dokumentasyon habang patuloy pa ang pagsisiyasat ng mga otoridad hinggil sa dalawang suspek dahil sa pangingikil sa isang magsasaka at nagpanggap pa ang mga ito na miyembro umano ng NPA.

Facebook Comments

From Advertisers