Isa sa 2 Killer ng Mag-asawang Senior Citizen, Arestado!

*Saguday, Quirino-* Isa ang naaresto sa dalawang suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang senior citizen habang nakaligtas ang kanyang misis matapos silang pasukin sa kanilang bahay sa Sitio Palladan, Barangay Cardenas, Saguday, Quirino.

Nakilala ang nasawi na si Ricardo Flores, 69 anyos at magsasaka habang ang nasugatang asawa nito ay si Teresita Flores, 68 anyos na residente sa naturang lugar habang ang suspek ay ang nagsasaka sa kanilang bukid na si Ariel Maubao, 34 anyos na residente rin sa kanilang lugar.

Dakong 9:50 ng gabi noong Sabado nang makatanggap ng tawag ang Saguday Police Station kaugnay ng naganap na pamamaril sa nasabing lugar.


Bumungad sa mga rumospondeng pulis na halos naliligo na ng sariling dugo si Ricardo sa loob ng kanilang silid habang may dugo rin sa noo ng asawang si Teresita dahil pinalo ng baril ng suspek.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt. Reynold Gonzales, tagapagsalita ng Quirino Police Provincial Office (QPPO) dakong 9:30 ng gabi habang nanonood ng telebisyon ang mag-asawa sa kanilang sala nang kumatok ang dalawang lalaki na nagpakilalang kasapi ng CIDG.

Inutusan umano ng mga pinaghihinalaan ang mag-asawa na buksan ang pintuan subalit tumanggi sila kaya nagalit ang mga suspek at sapilitang binuksan ang pintuan ng bahay.

Sa pagsisigaw umano ng matandang babae ay pinaputukan siya ng suspek ngunit pumalya ang kanyang baril kaya pinalo siya sa kanyang ulo.

Dinala sa Quirino Medical Center ang mag-asawang Flores subalit idineklarang dead on arrival ang matandang lalaki.

Sa patuloy na imbestigasyon ng Saguday Police Station ay positibong kinilala ni Ginang Flores ang nagsasaka sa kanilang bukid na si Maubao na siyang bumaril sa kanyang mister.

Posible umano na si Maubao lang ang may motibo sa krimen dahil masama umano ang kanyang loob sa kanila dahil napagpasyahan nilang mag-asawa na hindi na ipaubaya sa kanila ang pagsasaka sa kanilang bukid dahil hindi umano sinusunod ang napagkasunduang hatian sa aning palay.

Samantala, pinaghahanap pa rin ang isa sa kasamahan ni Maubao sa responsableng pagpatay at bigong pagpatay sa mag-asawang senior citizen.

Facebook Comments