ISANG BAHAY SA MANGALDAN, NASUNOG

Tinupok ng apoy ang Isang bahay sa Brgy. Bari, Mangaldan matapos umanong sumabog ang wiring ng kuryente bandang alas-sais y medya umaga noong Hunyo 7.
Ayon kay Jaime Ballesteros, caretaker ng naturang bahay, agad nitong narinig ang malakas na pagsabog matapos niyang patayin ang koneksyon ng kuryente, na siyang pinagmulan ng apoy.
Dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy, hindi na nakapagligtas ng gamit ang mga kasama ni Ballesteros at tanging ang mga suot lamang nilang damit ang naiwan matapos unahing mailigtas ang isang kasamang senior citizen.
Umabot ng higit tatlong oras ang sunog bago ito tuluyang naapula ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Mangaldan at San Fabian.
Nagpaalala rin ang BFP Mangaldan sa publiko na palaging suriin ang mga electrical connection sa bahay at ayusin ang mga maaaring pagmulan ng apoy.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang tunay na pinagmulan maging ang danyos ng naturang sunog. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments