
Isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at dalawa nitong kasamahan ang kinasuhan sa Office of the Ombudsman dahil sa umano’y pangingikil sa pangulo ng isang kumpanya na nagbebenta ng mga natural health product.
Nahaharap sa kasong estafa, bribery at paglabag sa Repubic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sina Melanio Lino Gatchalian, NBI agent, at ang mga kasamahan niyang sina Carrey Santos at isang nagngangalang Chris.
Nag-ugat ang mga kaso sa reklamong inihain ni Dr. Edinell Calvario, Presidente ng EC Healing Well Corp.
Sa kanyang complaint-affidavit, humingi ng tulong si Calvario kay Gatchalian para imbestigahan at hulihin ang mga indibidwal na ginagamit umano ang mga broadcast video ng kanyang TV program na “Healing Galing” nang wala pahintulot.
Ipinapakita umano ng mga naturang indibidwal na iniendorso ni Calvario ang ilang mga produkto na hindi nila lehitimong produkto.
Ayon sa production consultant ni Calvario, humiling si Santos ng miting ayon sa utos ni Gatchalian.
Pinasabi din umano ni Gatchalian na maghanda ng halagang P500,000 para sa pagproseso ng reklamong isasampa ni Calvario sa mga taong nag-edit ng video ng kanyang programa.
Ilang araw matapos ang pagsumite ng mga complaint-affidavit sa NBI, inabisuhan umano ng mga respondent ang complainant na nagsagawa na sila ng surveillance sa pangunguna ni Gatchalian.
Subalit hanggang sa isampa ang mga kaso laban sa mga respondent, walang nangyari sa kasong kanyang inihain sa NBI kaya’t minabuti ni Calvario na mag-demand na ibalik ang halagang P250,000 na naibigay sa mga respondent.
Sa halip na ibalik ang pera, sa utos ni Gatchalian, pinayuhan ni Santos si Calvario na bawiin na lamang ang kasong inihain nito sa NBI at magsagawa na lang ng direct filing sa prosecutor’s office.










