Isang lalaki, pinagbabaril patay sa Caloocan City

Manila, Philippines – Patay ang isang lalaki na miyembro ng Batang City Jail matapos na pagbabarilin sa Josefina St., Brgy. 120, Caloocan City kaninang madaling araw.

Patay agad ang hindi pa nakikilalang biktima na sinasabing dayo lamang sa lugar na tinatayang may edad 25 hanggang 30 anyos, nakasuot ng asul na t-shirt at itim na shorts

Ayon kay Barangay Chairman Antonio Duran, galing sa BMBA Compound ang biktima at papalabas na sana nang pagbabarilin ito ng hindi nakilalang suspek.


Bago ang pamamaril, narinig pa umano ng ilang residente ang biktima na humihingi ng tulong dahil hinahabol ito ng ilang kalalakihan.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 4 na basyo ng bala ng kalibre 45 na baril habang nakakita naman ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa katawan ng biktima.

Hinala ni Duran , posibleng may katransaakyon sa loob ng compound ang biktima pero hindi nila alam kung magbabagsak o bumili ito ng shabu.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima at motibo sa pamamaslang gayundin tinitingnan din kung mayroong CCTV camera sa pinangyarihan ng krimen.

DZXL558, Silvestre Labay

Facebook Comments