Isang Magsasaka, Patay sa Pamamaril ng mga Hinihinalang NPA!

*San Mariano, Isabela- *Patay sa pamamaril ang isang magsasaka na hinihinalang kagagawan ng mga umano’y miyembro ng Communist Terrorist Group sa Sitio Nabantad, Brgy. Buyasan, San Mariano, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Efren Deolazo, 50 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Cataguing, San Mariano, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, nakikipag-usap umano ang biktima sa nangngangalang Filipina Pascual at sa may-ari ng bahay kasama ang iba pa nang biglang dumating ang mga armadong kalalakihan na hinihinalang mga kasapi ng NPA at puwersahang kinuha ang biktima.


Bandang alas onse ng umaga kahapon, nakatanggap ng tawag ang asawa ng biktima na si Rose lily Deolazo na natagpuang patay ang kanyang mister sa lansangan na malapit sa kanilang Sitio.

Napag-alaman ng mga rumespondeng mga otoridad na mayroong tatlong tama ng bala ng baril sa katawan ang biktima na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Dinala na sa punerarya ang bangkay ng biktima para isailalim sa necropsy exam habang patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP San Mariano hinggil sa naturang insidente.

Facebook Comments