
Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na isang malaking grupo na sangkot din sa kidnapping cases ang nasa likod ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Chinese na si Anson Que at kanyang driver.
Ayon kay Fajardo, kasama rin sa iniimbestigahan ng Special Investigation Task Group kung ang grupong ito ay binubuo ng mga dating pulis at sundalo na pawang mga Pinoy at Chinese ang miyembro.
Sa ngayon, aminado si Fajardo na marami pang missing links sa insidente tulad ng kung ilan ang dumukot sa mga biktima, saan dinala at pinatay ang mga biktima at ang pagkakakilanlan ng dalawang lalake na nakitang nag-iwan ng isang itim na Lexus LM350 na konektado sa insidente.
Paliwanag ni Fajardo, pagtatagpi-tagpiin nila ang mga makukuhang impormasyon mula sa mga testigo at mga kuha mula sa CCTV magmula noong huling makitang buhay ang biktima noong March 29 hanggang sa madiskubre ang bangkay nito kahapon, April 9, 2025 sa bahagi ng Rizal.
Samantala, nagbabala naman ang PNP sa mga opisyal na magpapabaya sa kanilang tungkulin.
Una nang sinibak sa pwesto ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil si Anti-Kidnapping Group Director PBGen. Elmer Ragay matapos ang sunod-sunod na kidnapping cases sa bansa.