
Higpitan at gumamit ng siyentipikong paraan, at suriin ang mga patakaran sa pagtatapon at pagsusunog ng mga basura.
Ito ang iminungkahi ni Manila 6th District Representative Bienvenido Abante sa Saturday News Forum, dahil hindi lang umano national government ang dapat managot sa problema sa basura, kundi pati ang mga Local Government Unit at mamamayan.
Giit ni Abante, kailangan umanong maging aktibo sa pagpapatupad ng tamang pagtatapon ng basura ang mga LGU at barangay, maging ang pangangailangan ng malinaw na panuntunan at kaparusahan para mas mapalakas pa ang disiplina sa pagtatapon ng basura.
Dagdag pa rito, kailangan din umanong silipin ang waste segregation dahil posible umanong napagsasama-sama pa rin ang mga pinaghiwa-hiwalay nang mga basura pagdating sa mga garbage truck.










