Isang negosyante, patay matapos barilin ng suspek na nakabisikleta sa Maynila

Patay ang isang negosyante matapos barilin ng hindi nakilalang suspek sa Lungsod ng Maynila.

Nakilala lamang ang biktima sa alayas na “Age”, na isang miyembro ng LGBTQ+.

Nabatid na naglalakad lamang ang biktima sa may Angel Linao Street sa San Andres nang lapitan ng suspek na nakabisikleta saka binaril ng isang beses sa ulo.


Agad na tumakas ang suspek kung saan pinag-aaralan na ng Manila Police District (MPD) Homicide Division ang kuha sa CCTV.

Napag-alaman na ang biktima ay may sariling paupahan at ayon sa mga kapitbahay nito, wala naman silang naaalala na mayroon itong nakagalit o nakaaway.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente at inaalam na rin ang motibo sa krimen.

Facebook Comments