Isang rider, patay habang sugatan ang angkas niyang misis matapos mabangga ng isang bus sa EDSA bus way

1112

Patay ang isang rider habang sugatan ang angkas nito matapos mabangga ng isang bus carousel sa EDSA-bus way sa Quezon City.

Kinilala ang nasawi na si Leonilo Ronquino, 56 anyos habang nagpapagaling na sa ospital ang misis nito.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) EDSA Traffic Chief Edison Nebrija, binabaybay ng mga biktima ang Southbound lane ng EDSA nang pumasok ito sa EDSA bus way bago dumating ng Metro Rail Transit o MRT North Avenue station.


Nagkataon namang dumaraan ang isang Jell Trans Bus na may plakang NFZ 4748 kaya nahagip ang motorsiklo.

Sinubukan umano ng driver ng bus na si Jonathan Villanueva na iwasan ang motorsiklo kaya sumama ito sa center island ng MRT.

Pero nahagip pa rin nito ang mga biktima na agad ikinasawi ng driver nito at ikinasugat ng angkas niyang misis.



Kwento ng misis ng biktima, kumaliwa sila papasok ng bus way matapos silang doon ituro ng sinusundan nilang navigation mobile app.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng bus na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide, physical injury at damage to property.


Facebook Comments