Isang selebrasyon sa Maynila, nauwi sa pamamaril

Patay ang isang babae habang sugatan ang ka-live in partner nito at isang tanod matapos ang insidente ng pamamaril ng dalawang indibidwal sakay ng motorsiklo sa Maynila pasado alas-10 kagabi.

Kinilala ang nasawing biktima sa alyas ‘Mary’, nasa hustong edad.

Nangyari ang krimen habang nasa handaan ang mga biktima sa bahagi ng Felina Ext. St., Brgy 429, Zone 44, sa Sampaloc.

Kung saan nakunan sa CCTV ang paghinto ng mga suspek sa harap ng biktima at saka ito pinagbabaril.

Sinubukan pang habulin ng mga tao sa lugar ang mga suspek ngunit muling nagpaputok ang mga ito hanggang sa makaalis sa lugar.

Kwento ng isa sa mga saksi, habang nasa loob ng kanilang bahay, nakarinig sila ng ilang putok ng baril at nang lumabas ito, dito na nila nakita ang nakahandusay na biktima.

Ayon naman sa kapitan ng barangay, inakala nito na isang paputok lamang ang narinig nito sa lugar ngunit putok na pala ito ng baril.

Dagdag pa ng kapitan na nabigla ito sa nangyari dahil malapit sa kaniya ang biktima lalo na’t ang kinakasama nito ay kanilang tanod.

Nagtamo ng malubhang tama si alyas ‘Mary’ habang ang kinakasama nito ay tinamaan ng bala sa tuhod at daplis sa bandang balikat ang tinamo naman ng isang tanod.

Sa ngayon, patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon at backtracking upang malaman ang pagkakakilanlan at ang motibo ng mga suspek.

Facebook Comments