Isang senador, duda sa pagiging sincere ni PBBM sa alok nitong reconciliation sa mga Duterte

Duda si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa sinseridad ni Pangulong Bongbong Marcos patungkol sa hiling nitong reconciliation o pakikipagkasundo sa mga Duterte.

Ayon kay Dela Rosa, magandang simula ito ng pagkakaayos ng mga Marcos at Duterte at lahat naman ay gusto ng katahimikan.

Sinabi ng senador na hindi niya masabi kung talagang sinsero si Marcos dahil sa naging karanasan niya noon dito na iba ang sinasabi at iba rin ang ginagawa ng pangulo matapos papasukin sa bansa ang International Criminal Court (ICC).

Giit ng mambabatas, wala namang gustong mag-away palagi at tiyak na lahat naman ay gustong maka-focus sa kabutihan ng bansa subalit sa lalim aniya ng sugat na iniwan sa mga kaalyado ng mga Duterte ay mangangailangan talaga ng lubos na sinseridad mula sa pangulo at hindi yung pahapyaw lang.

Para aniya mapatunayan ang sinseridad ng pangulo ay makabubuting idaan niya sa aksyon ang pakikipagkasundo at hindi lang puro sa salita.

Facebook Comments