
Cauayan City – Pumangalawa sa buong Pilipinas ang Isabela State University sa 2025 Times Higher Education o (THE) University Impact Rankings.
Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa pagpupunyagi ng ISU sa pagsusulong ng mga layunin para sa sustainable development.
Bukod dito, nakamit din ng ISU ang malaking pag-angat sa pandaigdigang antas, kung saan ito ay napabilang sa 401–600 bracket sa buong mundo, mula sa dating 801–1000 na puwesto noong 2024.
Ang unibersidad ay kinilala dahil sa kanilang kontribusyon sa United Nations Sustainable Development Goals (SDGs), na layuning mapabuti ang kalagayan ng mundo sa larangan ng kapayapaan, kaunlaran, at kalikasan.
Sa taong ito, tinasa ng Times Higher Education Impact Rankings ang 2,526 unibersidad mula sa 130 na bansa.
Ang kanilang ebalwasyon ay nakatuon sa pagtupad ng mga institusyon sa mga SDGs, na nagsisilbing pandaigdigang blueprint para sa isang mas makatarungan at sustenableng kinabukasan.