
Kasunod ng nangyaring suicide ng missing De La Salle University – Bonifacio Global City (DLSU BGC) student, mas tutukan na ng Department of the Interior and Local (DILG) ang isyu ng mental health ng mga kabataan.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na hindi lamang sa paglaban sa krimen, pagtanggap ng mga emergency call kaugnay ng sunog, baha o sakuna ang tatanggapin ng dial 911 ng pamahalaan.
Ani Remulla, na sa paglulunsad ng dial 911 sa mga susunod na buwan, maging ang tawag sa usapin ng mental intervention o tawag mula sa mga indibidwal na nakararamdam ng pagkabalisa ay tatanggapin na dial 911.
Ito ay mamanduhan ng mga trained professionals sa larangan ng counseling upang makatulong sa mga kabataang nababalisa.
Ayon kay Remulla, nasa 50,000 calls o tawag sa 911 ang kanilang natatanggap at ang dalawang porsyento sa mga tawag na ito ay may kinalaman sa mental health.
Habang nasa 60 porsyento sa tinatanggap na tawag ay pawang mga prank call.
Tiniyak ng Kalihim na ang mga mahuhuli na may kinalaman sa prank calls ay maaaresto at masasampahan ng kaukulang kaso.