Joint administrative order na tatapos sa mga anumalya kaugnay sa mga ipinapadalang balikbayan boxes ng mga OFWs, naisapinal at nilagdaan na

Inaasahang matutuldukan na ang mga anomalya sa balikbayan boxes pati ang mga lumitaw na diumanong sabwatan ng ilang kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa mga cargo forwarders.

Ayon kina OFW Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, ito ay matapos pormal na lagdaan ang Joint Administrative Order (JAO) para sa Balikbayan Boxes sa pagitan ng Department of Migrant Workers at Bureau of Customs.

Binanggit ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, ang JAO ay tugon sa sunod-sunod na reklamo ng mga Overseas Filipino Worker (OFWs) kaugnay sa pagkakaantala, dagdag bayad, at mga nawawalang balikbayan boxes.

Binanggit naman ni Magsino, na nakapaloob sa JAO ang isang whole-of-government framework kung saan mas pinahigpit ang regulasyon ng mga cargo forwarders upang matiyak na ang mga balikbayan boxes ay ligtas at makarating sa destinasyon nito sa itinakdang panahon.

Dagdag pa ni Magsino, iniuutos din ng JAO ang mas pinaigting na multi-agency complaints at monitoring system upang gabayan ang mga OFWs sa pagpili ng lehitimong cargo forwarders, at pagpapaigting ng inspeksyon, dokumentasyon, at direktang koordinasyon sa mga legitimate consolidators.

Facebook Comments