Umarangkada kahapon ang Kalayaan Job Fair 2025 sa SM City Rosales, tampok ang libu-libong oportunidad para sa mga naghahanap ng trabaho.
Mahigit 7,000 job vacancies ang binuksan mula sa 28 local at overseas employers, na layuning matulungan ang mga aplikante mula sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan at kalapit-probinsiya.
Ayon kay DOLE Eastern Pangasinan Head Mary Jane Hofano, malaking tulong ang job fair na ito para sa mga Pilipinong naghahangad ng hanapbuhay. Aniya, mas pinadali na rin ang proseso sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na katuwang ng DOLE.
Samantala, ilan sa mga hired-on-the-spot (HOTS) ang inaasahang makatatanggap ng ₱5,000 tulong-pinansyal mula sa DSWD, bilang suporta sa kanilang pagsisimula sa bagong trabaho.
Ilang aplikante ang naglakbay mula sa malalayong lugar upang makilahok sa job fair at makipagsapalaran. May ilan ding agad na natanggap sa mismong araw at nagpaabot ng pasasalamat.
Nagpahayag naman ng pagkilala si SM City Rosales Assistant Manager Chao Chua sa suporta ng gobyerno at mga partner na pribadong kumpanya na aktibong nakiisa sa nasabing aktibidad.
Sa kabuuan, tinatayang nasa 13,000 job vacancies ang binuksan sa buong rehiyon bilang bahagi ng Kalayaan Job Fair 2025, na dinagsa ng mga aplikanteng umaasang makahanap ng bagong oportunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣