
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad suriin ang mga ospital na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente.
Sa situation briefing na pinangunahan ng pangulo, iniutos nitong bilisan ang pagtaya sa pinsala ng mga pagamutan upang malaman kung maaari pa itong magamit o kung kinakailangang ilipat ang mga pasyente sa mas ligtas na lugar.
Iniutos din ni Pangulong Marcos na gawing prayoridad ang suplay ng kuryente sa mga ospital.
Sinabi naman ni Energy Secretary Sharon Garin, naibalik na ang kuryente sa maraming lugar sa Mindanao.
Samantala, iniulat ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na tuloy-tuloy ang pamamahagi ng pagkain sa mga apektadong komunidad sa tulong ng Philippine Air Force (PAF) at Philippine Coast Guard (PCG).
Tiniyak naman ni Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Henry Aguda sa pangulo na nananatiling matatag ang komunikasyon at internet connectivity sa mga apektadong lugar.
Habang bukas na rin ang maraming pangunahing kalsada at ligtas nang madaanan ang Bucana Bridge sa Davao City para sa paghahatid ng tulong.










