
Kumpyansa ang dalawang lider ng Kamara na walang makikita ang Korte Suprema na blangko o anumang iregularidad sa enrolled bill ng panukalang 2025 national budget gayundin sa kopya ng general appropriations act na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Inihayag ito nina House Assistant Majority Leaders Representatives Jude Acidre ng Tingog Party-list at Jil Bongalon ng ako Bicol Party-list makaraang iutos ng Supreme Court ang pagsusumite ng nabanggit na mga dokumento.
Kaugnay ito sa mga petisyong inihain sa pagpapatibay ng pambansang pondo ngayong taon.
Ayon kay Acidre, mas magandang hiningi ng kataas taasang hukuman ang nabanggit na mga dokumento para makita mismo ng mga mahistrado at sila ang makapagsabi na walang blangko sa 2025 national budget.
Nanatili naman ang paninindigan ni Bongalon na ang 2025 national budget ay valid, lawful at binding.