
CAUAYAN CITY – Mas pinaigting pa ng PNP Cabagan ang kanilang kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng isinagawang Municipal at Barangay Anti-Drug Abuse Council (MADAC/BADAC) Workshop.
Nilahukan ito ng mga ng mga punong barangay, PNP, Philippine Drug Enforcement Agency, Municipal Health Office (MHO), at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Sa aktibidad, nagbigay ng kaalaman patungkol sa Barangay Drug Clearing Program (BDCP), si Provincial Officer Ma. Editha R. Bunagan ng PDEA Isabela. Ibinahagi nito ang mga operational requirements ng BADAC at ang mga pamantayan para sa drug-cleared status.
Tinalakay rin ni Agent Rechelle L. Lagundi ang kahalagahan ng aftercare programs at community support sa reintegration ng mga gumagamit ng droga.
Ang aktibidad, na may temang “Workshop for Drug-Clear and Drug-Free Community of Cabagan, Isabela,” ay may layuning pagtibayin ang mga estratehiya ng bawat barangay para makamit ang drug-cleared at drug-free status.