Kampo ni Marinduque Rep. Velasco, nanindigang sa October 14 ang palitan ng liderato ng Kamara

116

Pinanindigan ng kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na magpapalit na ng liderato ang Kamara sa October 14, 2020.

Ayon kay Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon na naroroon din sa pulong kagabi sa Malakanyang, nagkasundo sina Speaker Alan Peter Cayetano at Velasco sa harap ni Pangulo Rodrigo Duterte na igagalang ang term-sharing agreement at sa darating na October 14, 2020 na nga magpapalitan ng liderato.

Ito aniya ang napagkasunduan na petsa ng dalawa matapos na humirit si Cayetano na Speaker pa rin siya hanggang sa kaniyang kaarawan sa October 28, 2020 habang si Velasco naman ay umapela dahil November 9, 2020 naman ang kaniyang kaarawan.

Si Pangulong Duterte aniya ang testigo sa kasunduang ito.

Pinasisinungalingan din ng mambabatas ang mga naunang pahayag ni Deputy Speaker LRay Villafuerte na wala umanong kasunduan na magbabago na ng house leadership.

Inihayag kasi ni Villafuerte na hindi magma-materialize ang pag-upo ni Velasco bilang Speaker dahil nakadepende ang desisyong ito sa mga kongresista kung saan ang mayorya ay pabor na panatilihin sa puwesto si Cayetano.

Dismayado rin si Leachon dahil sa harap mismo ni Pangulong Duterte ay tahasang ininsulto ng kampo ni Cayetano si Velasco.




Sinabi pa niya na mismong ang Pangulo pa ang pumigil sa mga pag-atake ng kampo ni Cayetano dahil lahat naman na ay napagbigyang magsalita.

Facebook Comments